Sabado, Hulyo 20, 2013

Ang Mga Yapak Ni Neil Armstrong



Exactly 44 years ago, Neil Armstrong made history as being the first man to set foot on the moon. "That's one small step for man, a giant leap for mankind," he radioed to his NASA fellows, sending worldwide cheer via TV broadcast and making it one of the most famous statements of the 20th century. 


As we commemorate this historic event today, I would like to share with you a simple Filipino article which I wrote for The Bedan Herald last year as a tribute for Neil Armstrong, the first man on the moon, who passed away on August 25, 2012 at the age of 82. (Note: Minor revisions applied.)

***

Ang Mga Yapak Ni Neil Armstrong

ANO KAYA ANG pakiramdam ng tumapak at maglakad sa buwan? Ano ang hitsura ng ating mundo mula sa kalayuan? Gaanong nakamamangha ang tumayo sa gitna ng kalawakan?

Ang mga katagang ito ay hindi lamang mga katanungan; sila rin ay mga kahilingan. Mga kahilingan na nais matamo at maranasan nang personal. Mga katanungang nais mahanapan ng kasagutan. Mga kahilingan at katanungan na kahit na mamana ng ilan pang henerasyon ay marahil mga kahilingan at katanungan pa rin.

Suntok sa buwan, ika nga.

At dahil tila imposible para sa mga pangkaraniwang taong tulad natin ang malanghap ang kalawakan o di kaya naman ang makatapak sa buwan, gamitin na lang natin ang ating imahinasyon.

Ang grabidad ng buwan ay sangkanim (1/6) lamang ng kabuuang grabidad ng mundo. Kung ang isang tao ay may bigat o weight na 60 kilo, ang katawan niya ay magiging 10 kilo lamang kapag siya ay nakatapak sa buwan. Dahil mas mahina ang grabidad doon kaysa sa daigdig, magkakaroon siya ng pakiramdam na tila lumulutang, at magiging mas madali ang lumundag kaysa lumakad upang makausad. Parang naglalakad sa ilalim ng swimming pool, hindi ba? At dahil mas magaan ang iyong timbang, mataas ang maaabot ng isang tao kapag siya ay lumundag mula sa malapulbong kalatagan ng buwan.

Kung tatanawin ang ating planeta ilang daang libong milya mula sa buwan, siguradong isa itong kabigha-bighaning asul na globo na nag-uumapaw sa kagandahan, katahimikan at kapayapaan. Siyempre, hindi maiiwasan ang nakapanlululang epekto ng kalawakan; ngunit hindi rin maiiwasan para sa isa na mamangha sa yumi ng ating mundo sa gitna ng kalawakan.

***

Bagma't sa imahinasyon lamang aking mapagtatanto ang mga bagay na ito, lubos kong pinasasalamatan, pinupuri at ipinagmamalaki ang unang taong nakatapak sa buwan -- si Neil Armstrong. Simula nang mapagdeskusyunan namin ang astronawtang si Armstrong noong ako ay nasa elementarya pa lamang, naging idolo ko na siya at tumatak na sa aking isipan ang kanyang nagawa para sa sangkatauhan. Sa pagtapak ni Armstrong sa buwan noong Hulyo 20, 1969, nag-iwan siya ng isang hindi matatawaran at dakilang gawa ng tao sa kasaysayan."That's one small step for man, a giant leap for mankind" -- mga salitang binitiwan ni Armstrong sa kanyang paglapag sa buwan. Mga salitang nagbigay inspirasyon sa buong mundo at magbibigay inspirasyon sa mga darating pang henerasyon. Dito napatunayan ni Armstrong na ang imposible ay magiging posible kung may katatagan, dedikasyon, pagtutulungan, at lakas ng loob sa pagtuklas ng hindi pa natutuklasan.

Sa pagyao ni Armstrong noong ika-25 ng Agosto sa edad na 82, ating sariwain ang kanyang tagumpay at kababaan ng loob. Siya man ay sikat sa buong mundo bilang unang tao sa buwan, hindi niya ito ginamit upang lumikom ng impluwensya at kapangyarihan. Bagkus ay inilayo niya ang kanyang sarili sa kinang ng kasikatan at bumalik na lamang sa kanyang minamahal na trabaho.

Tunay na isang bayani si Neil Armstrong. Hindi matatawaran ang inspirasyon na kanyang naipamahagi sa buong sangkatauhan. Ang kanyang tagumpay ay tagumpay rin natin. Dahil sa kanya ay parang nakatapak na rin tayo at nagkaroon ng koneksyon sa buwan.

Samantala, may hiling ang pamilyang Armstrong sa pagyao ng dakilang astronawta: "Honor Neil's example of service, accomplishment and modesty, and the next time you walk outside on a dear night and see the moon smiling down at you, think of Neil Armstrong and give him a wink."


***
Salamat, Neil Armstrong, Buzz Aldrin at Michael Collins, ang pinakita niyong katapangan sa inyong misyon sa buwan ay tunay na karapat-dapat sundan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento